Nagmamatigas na umuwi sa bansa ang ilang mga Pilipinong nagtatrabaho sa Myanmar sa kabila ng banta ng Delta COVID-19 variant.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni Philippine Ambassador to Myanmar Eduardo Kapunan Jr. na tumatangging umuwi ang ilang mga Pilipinong may magandang trabaho at sweldo sa Myanmar dahil batid na wala silang magiging trabaho pag-uwi sa Pilipinas.

Hindi aniya mapipilit ng embahada na umuwi sa bansa ang mga Pinoy kahit pa nagdeklara na ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng Alert Level 4 na ang ibig sabihin ay pabalikin sa bansa ang lahat ng mga Pilipino sa Myanmar.

“May mga Pinoy na nagdadalawang-isip umuwi sa Pinas at makikipagsapalaran na lang po sila sa Myanmar. ‘Yun ang naririnig nating balita even if our government starts telling that it is already mandatory repatriation. We cannot force them to go home,” ani Ambassador Kapunan.

Inaabisuhan na aniya ang lahat ng mga Pilipino sa nabanggit na bansa na umuwi na sa Pilipinas hanggang hindi pa nagdedeklara ang World Health Organization kung gaano kalala ang COVID-19 case sa Myanmar.

Sa kasalukuyan ay mayroong mahigit 500 Pilipinong nagtatrabaho sa Myanmar at batay sa unang schedule ng repatriation sa August 3, 2021, 59 lamang na mga Pilipino ang nagboluntaryong uuwi sa Pilipinas.

“Ang amin pong narratives sa mga Filipino, mabuti pang umuwi kayo ngayon habang hindi pa naidedeklara ng WHO na ang Myanmar ay masyadong malala na. We are asking them,” dagdag ni Kapunan.

The post Mga Pinoy sa Myanmar ayaw bumalik sa ‘Pinas first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mga-pinoy-sa-myanmar-ayaw-bumalik-sa-pinas/)