Kumayod ang tambalang Khris Middleton at Giannis Antetokounmpo upang buhatin ang Milwaukee Bucks sa 109-103 panalo sa game 4 at itabla ang NBA Finals series sa 2-2 nitong Huwebes (oras sa Pilipinas).

Sinandalan ng Bucks ang mainit na fourth quarter kung saan 33 points ang kanilang binuhos kumpara sa 21 ng Suns, kabilang dito ang 10 puntos ni Middleton sa huling mga yugto ng laban.

Tumapos si Middleton ng may 40 points at anim na rebounds.

Marami ring tsansa ang Suns na maitakas ang panalo ngunit sinaraduhan sila ng matinding supalpal ni Antetokounmpo kay Deandre Ayton sa huling dalawang minuto ng laban, na sinamahan pa ng turnover ni Chris Paul na nagdulot ng lay-up kay Middleton.

Kumubra ng 26 points at 14 rebounds ang two-time MVP mula sa Greece.

Binuhat ng 42 points ni Devin Booker ang Phoenix ngunit sa third quarter pa lang ay lima na ang fouls nito kaya’t nahirapan nang tumrabaho sa fourth quarter.

Lilipat ang serye sa Phoenix sa game 5. 

The post Middleton nagliyab! NBA Finals tabla na first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/middleton-nagliyab-nba-finals-tabla-na/)