Tiwala si Senador Win Gatchalian na pagmumulan ang National Academy of Sports (NAS) ng marami pang mga atletang susunod sa mga yapak ni Hidilyn Diaz, ang unang Pilipinong nakasungkit ng ginto sa Olympics.

Naitatag ang NAS matapos maisabatas ang Republic Act No. 11470 noong nakaraang taon.

Bagama’t aminado si Gatchalian na kinakailangan ng mga atleta sa bansa ang mas malawak pang suporta, kinikilala niya rin ang papel ng NAS upang magkaroon ng tinatawag na institutionalized government support para sa susunod na henerasyon ng mga atletang Pilipino.

Sa ilalim ng naturang batas, magbibigay ang NAS ng dekalidad na edukasyon sa high school, kung saan nakapaloob ang curriculum na natatangi para sa sports.

Sabi ni Gatchalian, binibigyang konsiderasyon ng naturang curriculum ang pangangailangan ng mga student-athletes pagdating sa kanilang edukasyon at pagsasanay.

Ang dekalidad na edukasyon na matatanggap ng mga mag-aaral ng NAS ay magiging daan upang magtagumpay sila sa kanilang sports o sa mapipili nilang propesyon o karera.

Full scholarships ang ipagkakaloob ng NAS sa mga natural-born Filipino citizens na may natatanging potensyal para sa sports.

Bagama’t hindi pa rin pinapahintulutan ang pagsasagawa ng face-to-face classes dahil sa pandemya, binigyang diin ni Gatchalian na makakagamit ang mga NAS scholars ng mga dekalidad na pasilidad para sa kanilang training.

Ang main campus ng NAS ay matatagpuan sa New Clark City Sports Complex sa Capas, Tarlac. Samantala, isinusulong naman ng batas ang pagpapatayo ng mga regional high school para sa sports na popondohan ng pambansang pamahalaan, bagay na makatutulong sa mga batang atleta na mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ang mga shortlisted applicants ng NAS Annual Search for Competent, Exceptional, Notable and Talented Student-Athlete Scholars (NASCENT SAS) ay iaanunsyo sa Agosto 18. Ang paglagda naman sa scholarship agreement at enrollment ay nakatakda sa Agosto 30.

The post NAS lilika ng mga susunod na kampeon – Gatchalian first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/nas-lilika-ng-mga-susunod-na-kampeon-gatchalian/)