Ibinida ni dating Senador Antonio Trillanes IV ang survey na isinagawa ng Magdalo group kung saan lumabas umano na pababa na ang approval ratings ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa kanyang official Facebook page ipinost ni Trillanes ang resulta ng huling limang survey na isinagawa ng Magdalo sa tinatawag nilang ‘Luzon Belt.’

Sa naturang post kita na sa pinakahuling survey mula Hulyo 13 hanggang Hulyo 14 ay umakyat sa 13% ang nagsabing ayaw/ayaw na ayaw nila kay Duterte, habang bumaba sa 26.5% ang nagsabing gustong-gusto/gusto nila ang pangulo at umakyat ng bahagya sa 59.7% ang nagsabing tama lang ang ginagawa ng presidente.

Ang limang survey na nakasaad sa post ni Trillanes ay naisagawa noong Hulyo 7-8, 2020, Setyembre 8-9, 2020, Nobyembre 10-11,2020, Pebrero 9-10, 2021, Mayo 19-20, 2021 at ang huling survey sa nabanggit na petsa nitong Hulyo.

Sa limang survey ay makikita ang pag-angat ng numero ng mga nagsasabing ayaw/ayaw na ayaw nila sa pangulo, bagay na ikinatuwa ni Trillanes.

“There is HOPE! For 5 straight surveys, Duterte’s approval ratings are down,” saad sa post ng dating senador.

“Big news! The Magdalo survey results for July are in. For the 5th straight time, Duterte’s approval ratings are down. Marami na talagang namumulat. Lumalaki rin ang chance ng opposition na manalo sa 2022,” saad naman sa hiwalay niyang post. 

The post Natutuwa kay Duterte kumokonti – Magdalo survey first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/natutuwa-kay-duterte-kumokonti-magdalo-survey/)