Pinaniniwalaan ng OCTA Research na nangyari na ang local transmission sa Pilipinas ng mas nakahahawang Delta variant.

Ito’y matapos kumpirmahin ng Department of Health na may 11 local case ng naturang variant na nagmula sa India. Ibig sabihin ay nagpositibo ang mga indibiduwal na walang travel history sa ibang bansa.

“Malamang may local transmission na ‘yan. Meron na ‘yan kasi may local cases na tayo na walang travel history,” saad ni OCTA Research fellow Prof. Guido David sa panayam ng TeleRadyo.

Sa kabuuan, 35 na ang naitalang kaso ng Delta variant sa bansa.

Ayon kay David, bagama’t hindi pa inaanunsyo ng Department of Health ang local transmission, dapat ay maging maingat na ang publiko sa posibleng pagkalat ng Delta sa bansa.

“Para sa akin, kahit hindi na natin hintayin ‘yung confirmation na ‘yun. I-assume na lang natin na may Delta variant somewhere sa Pilipinas. Kailangan maging proactive na tayo,” sambit ni David.

“Baka may pagkalat na ‘yung Delta variant sa bansa natin pero hindi natin alam kung nasaan siya,” aniya pa.

The post OCTA: Delta variant baka kumalat na sa ‘Pinas first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/octa-delta-variant-baka-kumalat-na-sa-pinas/)