Hindi nakikita ng OCTA Research na magiging mitsa ng panibagong COVID surge ang pagpayag ng Inter-Agency Task Force (IATF) na makalabas ng bahay ang mga batang edad lima pataas.

Sinabi ni Dr. Guido David na lahat naman ay mayroong panganib subalit sa tingin nila ay ligtas naman ang mga kaakibat na kondisyon sa paglabas ng mga bata.

May superbisyon aniya ng mga magulang ang paglabas ng mga anak at nakasuot ng face mask habang nasa outdoor.

Mahigit isang taon na aniyang nakakulong ang mga bata at kailangan ito para sa kanilang mental health at kailangan ding maarawan ang mga ito.

“Lahat naman may konting risk, pero sa nakikita natin parang safe naman yung implementation na ganyan. Naiintindihan natin na more than one year nang nakakulong yung mga bata at kailangan rin nilang maarawan,” ani Dr. David.

Bukod dito, malinaw naman sa resolusyon ng IATF na sa outdoors lamang pupuwede ang mga bata kaya sinusuportahan nila ang naging desisyon hinggil dito.

“We support it kasi hindi naman yan sa mga arcade, video games at sa malls. Yung assessment natin, parang yung risk naman niya ay medyo mababa lang dahil mga open areas naman,” dagdag ni Dr. Guido.

Batay sa inilabas na resolusyon ng IATF, tanging sa mga lugar lamang na may umiiral na modified general community quarantine at general community Quarantine na hindi nasa heightened alert ang papayagang makalabas ang mga bata.

Mananatili sa loob ng bahay ang mga batang ang kanilang lugar ay nasa enhanced community quarantine at modified enhanced community quarantine, ang pinakamahigpit na quarantine status sa panahon ng COVID pandemic.

The post OCTA: Paglabas ng edad 5 pataas hindi magiging mitsa ng COVID sirit first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/octa-paglabas-ng-edad-5-pataas-hindi-magiging-mitsa-ng-covid-sirit/)