Inihayag ni Senador Manny Pacquiao na kanyang ilalabas ang video at audio na pruweba ng kanyang alegasyon tungkol sa korapsiyon laban sa isang ahensiya ng gobyerno.

Ginawa ni Pacquiao ang pahayag kasunod ng naunang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na “watusi” lang hindi “atom bomb” ang pasabog ng senador tungkol sa korapsiyon sa gobyerno.

“Natatawa lang ako. Sabi nila ‘watusi.’ Sige, pagdating ko diyan, ‘watusi’ pala? Ipapalabas ko video, audio recording—kung papayag lang maipalabas pati audio recording,” pahayag ni Pacquiao sa panayam sa DZBB.

“Hindi ako nakikipag-away sa Pangulo. Hindi ako nakikipag-away sa’yo, Mr. President. Ang alam ko ayaw mo rin ng korapsyon. Kahit ilan beses tayong nag-uusap, Mr. President, lagi kong sinasabi sa’yo na ayaw ko ng corruption,” dagdag pa nito.

Si Pacquiao ay kasalukuyang nagsasanay sa US para sa kanyang boxing match laban kay Errol Spence sa Agosto 21.

Bago tumulak pa-US noong Hulyo 4, ibinunyag ni Pacquiao ang diumano’y katiwalian sa paggamit ng e-wallet application na ginamit ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa pamamahagi ng Social Amelioration Program (SAP) o ayuda ng gobyerno.

Sabi ni Pacquiao, may ilang hindi na-claim na SAP benefits ang minarkahang “received” ng nasabing ahensiya.

Nauna nang naghain si Pacquiao ng isang resolusyon na humihiling sa Seando na imbestigahan ang pagkabigo ng DSWD na maipamahagi ang P10.5 bilyong halaga ng SAP funds.

Nangako naman ang DSWD ng kanilang kooperasyon sa anumang imbestigasyon.

The post Pacquiao sa ‘watusi’ remark ni Roque: May pruweba ako! first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pacquiao-sa-watusi-remark-ni-roque-may-pruweba-ako/)