Kung mayroon umanong sako-sako ng pera si Pangulong Rodrigo Duterte para sa kanyang mga kaalyado para matiyak ang kanilang panalo sa 2022 elections, nganga naman umano ang mahihirap na pamilya sa paghihintay ng ayuda.

Ayon kay House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, dapat malaman kung saan kukunin ni Duterte ang sako-sakong pera na ipinangako nito sa kanyang mga kaalyado.

“Akala ko ba walang pera? Wala lang palang pera kapag para sa ayuda ng mga naghihirap at nagugutom nating mga kababayan, pero, kapag para sa pampulitika, pang-eleksyon at vote buying pala ay nagsabi na ng maraming pera,” sabi ni Zarate.

Ayon kay Zarate, hindi umano lihim na napakaraming pera ang nasa kontrol ng pangulo gaya ng P16.4 bilyong barangay development fund (BDF) na ibinibigay sa mga lokal na pamahalaan, P4.5 bilyong presidential confidential and intelligence funds.

Ngayong taon ay nasa P617 bilyon umano ang Special Purpose Fund, P178 bilyon naman ang Unprogrammed Appropriations, P13 bilyon ang Contingency Fund at P20 bilyon ang NCRRMF.

Napakarami rin umanong pondo na hindi nagawang gastusin ng mga ahensya ng gobyerno batay sa audit report ng Commission on Audit (COA). Ang mga pondo na inilaan noong 2020 na hindi nagamit hanggang noong Mayo 15, 2021 ay kinukuha na ng Department of Budget and Management (DBM).

The post ‘Pag pampulitika may pera, ‘pag para sa ayuda nganga—Bayan Muna first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pag-pampulitika-may-pera-pag-para-sa-ayuda-nganga-bayan-muna/)