Tapos agad umano ang laban kapag tumakbo sa pagka-pangulo sa 2022 elections sina Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio o kaya ay si Senador Bong Go.

Sa kanyang programang Counterpoint, sinabi ni Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo na sa kanyang pag-iikot sa iba’t ibang lugar sa bansa ay Duterte ang gusto nilang magpatuloy sa mga pagbabagong ginagawa ng kasalukuyang administrasyon.

Kahit sino aniya kina Mayor Sara at Senador Go ang tatakbo ay tiyak na game over na basta ang kandidatong bise-presidente ay si Pangulong Duterte.

“Yung mga gustong tumakbong presidente naku wala kayong laban ay Mayo Sara kahit kay senador Bong Go pag yan ang tumakbo at bise-presidente si presidente si President Duterte, ah game over! Wala na yan, tapos na ho yan, maniwala kayo sa akin,” ani Panelo.

Pati ang mga nag-aambisyong tumakbo sa pagka-bise presidente sa oposisyon ay tiyak na makakatikim ng pagkatalo kapag tinapatan si Pangulong Duterte.

“Payag na ho siyang tumakbong bise-presidente kaya yung nag-aambisyong maging bise eh kayo rin, kung gusto nyong makatikim ng talo eh di sumige kayo,” dagdag ni Panelo.

Sinabi ng kalihim na ang mga kritikong maagang kumokontra sa mga pahayag nito ay hindi alam ang pulso ng publiko dahil hindi naman lumalabas sa kanilang mga tahanan at nakaupo lamang sa kanilang mga opisina sa bahay.

The post ‘Pag Sara o Bong Go tumakbo, game over na! – Panelo first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pag-sara-o-bong-go-tumakbo-game-over-na-panelo/)