Dapat pagtibayin pa ng Pilipinas ang kampanya laban sa lahat ng uri ng human trafficking, kabilang na ang online sexual exploitation of children (OSEC).

Ito ang sinabi ni Senador Win Gatchalian kahit napanatili ng Pilipinas ang “Tier 1” na status mula sa U.S. State Department para sa pagpapatupad ng minimum standards sa pagsugpo sa human trafficking.

Sa 2021 Trafficking in Persons Report ng U.S. State Department para sa Pilipinas, may nahatulang 73 sa ilalim ng anti-trafficking act at mga kaugnay na batas.

Karamihan sa mga ito ay nahuling nagsagawa ng sex trafficking sa mga bata, kabilang ang 25 nang-abuso ng mga bata gamit ang internet.

Ayon pa sa ulat, may 1,205 mga biktima ang nabigyan na ng tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), kabilang ang 157 biktima ng OSEC.

Pagdating naman sa mabisang pagsugpo sa human trafficking, ilan sa mga natukoy ng ulat na hamon ay ang mabagal na pag-usad ng mga kaso sa korte, ang pangangailangan ng karagdagang pagsasanay sa paghawak ng digital evidence sa mga pagdinig, at kakulangan ng mga prosecutor para sa mabilis na pag-uusig ng mga kaso.

Nauna nang naghain si Gatchalian ng Senate Bill No. 1794 na naglalayong palakasin ang Republic Act No. 9208 na una nang naamyendahan ng Republic Act No. 10364 (Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012).

Nais ng panukalang batas na magbigay ng mga pamantayan sa mga imbestigasyon, pagharang, at pag-uusig sa iba’t ibang anyo ng human trafficking, kabilang ang pang-aabusong sekswal, prostitusyon, at pornograpiya.

The post Pagsugpo sa human trafficking lalo pang paigtingin – Gatchalian first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pagsugpo-sa-human-trafficking-lalo-pang-paigtingin-gatchalian/)