Mistulang ginamit umano ng mga Chinese vessel ang pagbabalewala ni Pangulong Rodrigo Duterte sa desisyon ng UN Arbitral Tribunal nang gawin nitong inodoro ang West Philippine Sea (WPS).

Nanawagan sina House Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas at Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat na imbestigahan ang pangyayari na malinaw umanong pagyurak sa soberanya ng Pilipinas.

“Is this Beijing’s disgusting toast to Duterte’s ‘piece of paper’ remark on the Hague ruling by allowing its vessels to dump human waste on West Philippine Sea?” tanong ni Brosas.

Pinatutungkulan ni Brosas ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ‘piece of paper’ lamang ang panalo ng Pilipinas sa UN Arbitral Tribunal na kanyang itatapon sa basurahan.

Sinabi ni Brosas na dapat imbestigahan ng Kongreso ang pangyayaring ito na isiniwalat ng US-based tech firm na Simularity.

Ayon naman kay Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat, pinapahirapan na nga ng mga barko ng China na makapangisda ang mga Pilipino ay sinisira pa nito ang karagatan.

“Maraming mangingisda ay nahihirapan sa agresyon ng Tsina sa West Philippines Sea, ngayon ginagawa na tayong inodoro ng Tsina,” sabi ni Cullamat.

Sinabi ni Cullamat na isang malaking sampal ang ginawang ito ng China sa soberanya ng bansa.

Dapat umanong magsagawa rin ng imbestigasyon ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at gumawa ng hakbang upang mapigilan ang pinsalang dulot ng mga itinapong dumi.

The post Pagtatapon ng ebak ng Chinese vessels pinaiimbestigahan sa Kamara first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pagtatapon-ng-ebak-ng-chinese-vessels-pinaiimbestigahan-sa-kamara/)