Hindi papayag ang gobyerno na gawing tapunan ng ibang mga bansa ng basura ang Pilipinas.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque kasunod ng ulat na may itinapon umanong human waste sa ilang bahagi ng West Philippine Sea.

Sinabi ni Roque na wala pang beripikasyon ang report kaya wala pang komento ang Malacañang hinggil sa umano’y pagtatapon ng dumi ng tao sa lugar.

“Wala pa pong verification at yan po unang ginagawa natin, bine-verify natin dahil hindi naman dapat nagre-react ng wala pang verification. We only react to facts,” ani Roque.

Kung may katotohanan aniya ang report ay hindi hahayaan ng gobyerno na gawing tapunan ang Pilipinas gaya ng insidente noong nakalipas na administrasyon kung saan pinabalik ng gobyerno ang basura ng Canada.

“Pero kung totoo po yan, eh nung minsan pinabalik natin ang basura ng Canada. Hindi po tayo pumapayag na tapunan ang Pilipinas, ni minsan hindi tayo po pumayag sa administrasyon ni Pangulong Duterte,” dagdag ni Roque.

The post Palasyo ‘di papayag maging tapunan ang Pinas first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/palasyo-di-papayag-maging-tapunan-ang-pinas/)