Iminungkahi ni Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo na tumakbong walang ka-tandem sa darating na halalan sina Pangulong Rodrigo Duterte at anak na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

Sa ganitong paraan aniya ay makaiwas sa mga banat na dinastiya ng mga kritiko sa Duterte-Duterte tandem na unang iminungkahi nito.

Kapag hiwalay na tumakbong walang ka-tandem ang Pangulo at ni Mayor Sara ay mahihirapan aniyang hanapan ng butas ng mga kritiko.

“Alam mo may bago akong panukala kasi asiwa daw yung mag-ama na tumakbong magka-tandem. Sabi ko “Mayor Sara tumakbo kang wala kang bise -presidente. Ikaw naman Presidente Duterte, tumakbo kang wala kang Presidente,” ani Panelo.

Naniniwala ang abogado ng MalacaƱang na sina Pangulong Duterte pa rin at Mayor Sara ang lalabas sa halalan kaya lilitaw  na  tandem pa rin ang mga ito sa dalawang pinaka-mataas na pwesto sa bansa.

“Hayaan mong tumakbo lahat yung gustong tumakbong. presidente at bise-presidente, maghalalan tayo eh kayo naman ang lalabas kahit anong gawin eh, tandem pa rin ang resulta,” dagdag ni Panelo.

Ang tao naman aniya ang pipili kung sino ang iboboto sa halalan kaya kung ang mag-amang Duterte ang pipiliin sa 2022 elections ay walang magagawa ang mga kritiko.

The post Panelo: Inday Sara, Digong tumakbo na walang tandem first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/panelo-inday-sara-digong-tumakbo-na-walang-tandem/)