Matapos ang 18 taon at pitong Kongreso, magiging isa nang ganap na batas ang panukalang regulasyon para sa industriya ng liquefied petroleum gas (LPG) na magsisiguro sa kapakanan at interes ng mga konsyumer laban sa mga iligal na paraan ng pag-refill at mga mababang kalidad at depektibong tangke.

Ito’y matapos aprubahan sa bicameral conference committee noong Martes, Hulyo 13, ang panukalang LPG Industry Regulation Act na magtatakda ng alituntunin at pamantayan na dapat sundin ng mga domestic industry players, pati na rin ang pagtatatag ng cylinder exchange and swapping program na magpapahintulot sa mga konsyumer na makabili ng LPG kahit na iba ang brand ng dalang tangke.

“Ngayong may napagkaisahang LPG bill na tayo para pamahalaan ang buong LPG industry, mapupunan na nito ang mga regulatory gaps na naging balakid sa mga industry players at mapapalakas pa ang iba’t ibang mga regulasyong ipinatutupad ng gobyerno,” ayon kay Senador Win Gatchalian.

“Higit sa lahat, ito’y magtatalaga ng safety standards na unti-unting mag-aalis sa merkado ng mga depektibong tangke para lalo pang mabigyan ng proteksyon ang mga konsyumer,” dagdag pa ng chairman ng Senate Energy Committee.

Sa napagkayariang pinag-isang bersyon ng Senate Bill No. 1955, kung saang punong may-akda sa senado at ng House Bill No. 9323 si Gatchalian, magtatalaga ng pamantayan at kaukulang responsibilidad sa industry players, tulad ng importers, bulk suppliers, bulk distributors, haulers, refillers, trademark owners, marketers, dealers, pati na ang mga retail outlets, na sumunod sa pinahigpit na safety protocols.

Binigyang-diin ni Gatchalian ang kahalagahan ng pagkakaroon ng komprehensibong regulatory framework para mapamahalaan ang industriya ng LPG na malawak ang sakop. Ang LPG ay isang pangunahing pangangailangan ng apat sa 10 pamilyang Pilipino at ito’y karaniwang ginagamit sa pang-araw-araw na pagluluto. Ginagamit na rin ito para mapatakbo ang mga sasakyan, pagpapailaw at iba pa. 

The post Panukalang LPG safety law lusot na sa bicam – Gatchalian first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/panukalang-lpg-safety-law-lusot-na-sa-bicam-gatchalian/)