Nilinaw ng Department of Education (DepEd) na blended learning pa rin ang gagamiting sistema sa pagtuturo sa susunod na school year na magsisimula sa Setyembre 13, 2021.

Ito ang inihayag ni DepEd Secretary Leonor Briones sa Laging Handa press briefing sa harap ng pag-aakala ng publiko at mga magulang na ilalarga na ang face to face classes.

Sinabi ni Briones na wala pang inaaprubahan si Pangulong Rodrigo Duterte para sa face to face kahit na iminungkahi nila ito para sa 100 na mga eskuwelahan.

“Yung pag-approved ni president ng September 13, ang inapprove niya ay yung opening ng classes, blended learning pa rin. Hindi pa siya nag-approve ng face to face,” ani Briones.

Binigyang-diin ng kalihim na walang peligro sa mga estudyante ang darating na pasukan dahil nananatiling blended learning ang gagawing sistema ng pag-aaral .

Nasa pagpapasya aniya ni Pangulong Duterte kung magbibigay ito ng go signal para sa pilot testing ng face to face dahil hanggang sa ngayon ay tinitingnan ang sitwasyon sa bansa ng COVID-19.

“Depende yan sa resulta ng pilot study natin kung aaprubahan ng presidente dahil marami siyang tinitingnan na aspeto tungkol sa health situation natin ngayon. September 13 is still blended learning. The children will not be endangered, the teachers will not be exposed because it is still blended learning,” dagdag ni Briones.

The post Pasukan sa Setyembre blended learning pa rin – Briones first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pasukan-sa-setyembre-blended-learning-pa-rin-briones/)