Para kay dating PDP-Laban president Sen. Koko Pimentel, mareresolba lamang ang bangayan sa mga miyembro ng partido kung ilalantad na ng kampo ng vice chairman nitong si Alfonso Cusi kung sinong kandidato ang susuportahan sa pagka-presidente sa 2022 elections.

Matatandaang pinatalsik ni Senador Manny Pacquiao si Cusi pati na sina Deputy Secretary-General Melvin Matibag at PDP-Laban membership committee head Astra Naik dahil sa diumano’y paglabag sa by-laws at constitution ng kanilang partido.

Payo ni Pimentel, dapat sa loob ng partido ay walang taguan ng baraha at maging tapat ang mga ito sa isa’t isa, at hindi na dapat pang inilalabas sa media ang usapan.

“Kung may pagpipilian ang problema sino ang miyembro namin na nasasama sa presidential elections, si Sen. Pacquiao, the other side ano ba proposal nila? Sino other choice? Kung hindi clear ang stand, pagalaw-galaw ang stand, lalo kaming hindi nagkakaintindihan tapos puro media pa sila nang media,” pahayag ni Pimentel sa panayam sa DWIZ nitong Sabado.

“Ang problema hindi kasi nakalabas ang baraha ng kabila. Ano ba may manok kayo for president sa loob ng partido o sa labas ng partido? Maso-solve talaga ito kung sa loob ng partido ilabas n’yo ang baraha n’yo ‘di yung nakatago at napakahirap n’yo intindihin,” dagdag niya.

Patuloy niya, “Kay Sen. Pacquiao klarong-klaro he is going to be a candidate for national elections klarong-klaro ‘yun, lahat ng tulong sa kapartido mo ibigay mo na, meron ‘di gusto ang development na ‘yun, ayaw tulungan si Sen. Pacquiao. Ang tanong bakit? Hindi makasagot, sa loob ng partido klaruhin mo.”

The post Pimentel: Cusi ayaw ilabas baraha kaya magulo PDP-Laban first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pimentel-cusi-ayaw-ilabas-baraha-kaya-magulo-pdp-laban/)