Binalik ng Malacañang kay dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario ang pahayag nito na nagtaksil si Pangulong Rodrigo Duterte sa Konstitusyon matapos isantabi umano ang 2015 arbitral ruling sa isyu sa West Philippine Sea.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na kung mayroong nagtraydor sa bayan ay walang iba kundi si del Rosario dahil ipinamigay nito ang Scarborough Shoal sa China.

Kung wala rin lang aniyang maipakitang patunay ang dating kalihim na ibinigay ni Pangulong Duterte ang teritoryo sa ibang bansa ay mas makabubuting manahimik ito.

“Mr. Del Rosario, if you want to talk about who that real traitor is, ikaw yun! Ikaw ang namigay ng teritoryo sa Tsina . At ikaw, habang hindi makapagpakita ng teritoryo na binigay ni Presidente Duterte sa ibang bansa, manahimik ka diyan dahil eh ikaw nga ang may pananagutan diyan,” ani Roque.

Tinawag na kalokohan ni Roque ang sinabi ni del Rosario na naimpluwensiyahan umano ng China ang 2016 elections pabor kay Pangulong Duterte at nangako pa umano ni Chinese President Xi Jinping na poprotektahan si Pangulong Duterte para hindi maalis sa pwesto.

“Kalokohan po yan coming from a proven traitor. Siya po ang nagpaalis sa ating mga kasundaluhan sa Scarborough Shoal na naging dahilan na ang Tsina na lang ang natira sa Borough,” dagdag ni Roque.

Sinabi ng kalihim nakahanda siyang tumulong sa grupo ng mga abugadong interesadong pag-aralan ang pananagutan ni del Rosario sa pamimigay nito ng Scarborough shoal sa China.

“I enjoin lawyers and other groups to study na legal liability of Albert del Rosario in feeding Scarborough Shoal to China. Mahiya ka sa sarili mo, mahiya ka sa buong bansang Pilipinas,”wika ni Roque.

Pero nang tanungin ang kalihim kung mag-iimbestiga ang at magsampa ang gobyerno ng kaso laban kay del Rosario, sinabi niyang wala siyang panahon para dito.

“I have no time and I don’t want to waste my time on him. Pero let us not let him get away with the fact that he gave away Philippine territory,” wika ni Roque.

The post Roque kay Del Rosario: Ikaw ang traydor! first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/roque-kay-del-rosario-ikaw-ang-traydor/)