Posibleng maunsiyami ang inaasam ng mga kabataan edad lima hanggang 17 na makalabas at makagala sa mga parke dahil sa banta ng Delta COVID-19 variant sa bansa.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na mahabang talakayan at debate ang ginugol bago pinayagang makalabas ang mga bata pero dahil isinaalang-alang ang mental health ng mga ito.

“Talaga pong mahaba yung usapin ng IATF bago pinayagan para sa well-being ng mga bata dahil may mga ama at ina sa IATF na merong mga anak na ganyan kabata,”ani Roque.

Pero dahil sa banta ng Delta variant, sinabi ng kalihim na posibleng mabago ang desisyon ng Inter-Agency Task Force para sa kaligtasan ng mga menor de edad.

Pangunahing concern aniya ni Pangulong Rodrigo Duterte ay ang kaligtasan ng mga bata laban sa mabagsik na virus at hindi nito hahayaang makompromiso ang kalusugan ng mga ito.

“Dahil sa Delta variant baka po magbago pa rin yan, at ito ay para pa sa well-being at seguridad ng mga bata,” dagdag ni Roque.

The post Roque: Paglabas ng mga bata, baka hindi matuloy first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/roque-paglabas-ng-mga-bata-baka-hindi-matuloy/)