Kaabang-abang ang unang linggo ng Agosto para sa mga masugid na tagasuporta ng TV host na si Willie Revillame.

Ito’y matapos ianunsyo ng ‘Wowowin’ host na sa susunod na buwan ay may malaking desisyon siyang ilalantad na babago sa kanyang buhay.

“Ito po desisyon sa buhay para sa akin ito at para sa ating lahat. Sana po ay maintindihan niyo,” sambit ni Willie.

Dito nabanggit ni Willie na hindi siya magiging ‘kenkoy’ sa Senado at nanawagan din na huwag laitin ang mga artista dahil malinis ang kanilang intensyon na tumulong.

“Huwag kayong mag-alala hindi ako kenkoy sa Senado. Hindi kami magkekenkoyan. Tutulong, gagawa ng paraan, gagawa ng batas sa mga taong nagugutom. Hindi po magpapatawa doon,” giit pa ni Revillame.

Dagdag pa ng beteranong showbiz personality, wala siyang gagawing kawalangyaan sa kanyang mga tagasuporta.

“At kung ano man ang tatahakin ko, maniwala kayo sa akin, wala akong gagawing kawalangyaan sa inyo. Dahil wala sa isipan ko ‘yan. Kontento na ‘ko kung anong mayroon ako at masaya ako na magpasaya sa inyo,” sambit pa ng TV host.

Matatandaan na hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte si Revillame na tumakbo sa Senado.

“Willie, si mayor ‘to. Kumusta ka? Matagal na tayong ‘di nagkita pero palagi kitang naaalala dahil gusto ko sanang maging senador ka,” dating pahayag ng Pangulo.

The post Sabak sa senatorial elections? Willie Revillame may pasabog sa Agosto! first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/sabak-sa-senatorial-elections-willie-revillame-may-pasabog-sa-agosto/)