Inamin ng Metro Manila Development Authority (MMDA) nitong Martes na ang bilang ng mga sasakyan ngayon sa EDSA ay halos kaparehas ng bilang na kanilang naitala bago pa magsimula ang pandemya.

Ayon sa panayam sa Unang Balita kay MMDA traffic chief Bong Nebrija, nakapagtala sila kamakailan ng nasa 399,000 sasakyan sa EDSA.

Ito ay 98% na ng naitala nilang 405,882 sasakyan bago sumirit ang COVID-19 pandemic.

“Recently, nagkaroon na tayo ng volume count. We are already at 399,000 dito sa EDSA,” ani Nebrija.

“Pre-pandemic, we were at 405,882—that was December of 2019. So as you could see, we’re nearing, we’re almost 98% of that volume. Kaunting diperensiya na lang,” dagdag pa niya.

Gayunpaman, iginiit ni Nebrija na kahit pa halos parehas na ang bilang ng mga bumabaybay na sasakyan sa EDSA ay mas gumanda naman umano ang daloy ng trapiko kumpara noong bago ang pandemya.

Ito umano ay dahil sa paglalagay nila ng bus ways, pagbawas sa mga ruta, at paglalagay ng bike lanes.

The post Sasakyan sa EDSA dumarami na ulit – MMDA first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/sasakyan-sa-edsa-dumarami-na-ulit-mmda/)