Sinampolan ni Senador Francis ‘Kiko’ Pangilinan ang Youtube channel na ‘Latest Chika’ dahil sa pagpapakalat ng fake news tungkol sa kanya at misis na si Sharon Cuneta.

Nitong Huwebes ay dumulog si Pangilinan sa cybercrime division ng Department of Justice para magsampa ng reklamong cyberlibel kontra sa nasabing platform.

Dawit din sa kaso ang country manager ng Google Philippines.

Ang reklamo ay nag-ugat sa video na may titulong ‘JUST IN! SHARON Cuneta DlNEMANDA ang ASAWA nitong si KIKO PANGILINAN!’, kung saan sinabi ng Latest Chika na may source umano silang nagsabi na kaya umano muntik mabulag si Sharon ay dahil sa pananakit ni Kiko.

Hahabulin din ni Pangilinan ang isa pang Youtube channel na ‘Starlet’, na naglabas naman ng fake news na may third party umano sa relasyon nila ni Cuneta.

“Palagay ko kahit sino, kapag pamilya niyo na, mga mahal niyo na sa buhay ang hindi binibigyan ng (respeto), talagang lalabanan natin,” giit ni Pangilinan.

“Pakiusap natin maging mapanuri, huwag basta naniniwala o nagshe-share ng mga kasinungalingan, dahil tao rin kami eh,” aniya pa.

The post Sharon binugbog daw: Youtube channel lagot kay Kiko! first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/sharon-binugbog-daw-youtube-channel-lagot-kay-kiko/)