Nais ni Deputy Speaker at Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez na ipagdiwang tuwing Hulyo 12 ang panalo ng Pilipinas sa kasong inihain nito laban sa China kaugnay ng agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).

Sa inihaing panukala ni Rodriguez, ang pagdiriwang ay tatawaging National West Philippine Sea Victory Day.

Iginiit ni Rodriguez ang kahalagahan na ipaalala ang tagumpay ng bansa sa United Nations Permanent Court of Arbitration na naglabas ng desisyon noong Hulyo 12, 2016, ilang araw matapos bumaba si Pangulong Benigno Aquino III.

Sinabi ni Rodriguez na malinaw na ang teritoryong kinukuha ng Pilipinas ay nasa loob ng 200-mile exclusive economic zone.

Bukod sa milyong tonelada ng isla, sinabi ni Rodriguez na may mga ulat na nagsasabi na matatagpuan sa WPS ang nasa 55.1 trilyong cubic feet ng natural gas at 5.4 bilyong bariles ng langis.

“Because of the rich natural resources in the West Philippine Sea, China has made untenable claims of indisputable sovereignty over the entire South China Sea based on its so-called ‘nine-dash line’ that encroaches on 80 percent of the Philippines’ EEZ in the WPS,” dagdag pa ni Rodriguez.

Tumanggi ang China na kilalanin ang desisyon ng UN arbitral court at iligal nitong inuukupa ang bahagi ng pinag-aagawang teritoryo, ayon kay Rodriguez.

Sinabi ni Rodriguez na mahalaga na manatiling buhay ang tagumpay na ito ng mga Pilipino kaya ipinanukala nito ang taunang pagdiriwang.

“It is in this context that we should celebrate our David against Goliath triumph on July 12 of every year, but we should insist every minute that China should recognize, respect and abide by the ruling,” dagdag pa ng solon. 

The post Tagumpay ng Pinas sa WPS taun-taon ipagdiwang – Solon first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/tagumpay-ng-pinas-sa-wps-taun-taon-ipagdiwang-solon/)