Labing-siyam na mga atletang Pinoy ang magdadalang bandila ng Pilipinas sa Tokyo Olympics na  nagsisimula 11 araw mula ngayon.

Ang 19 na atletang ito, ayon kay Senador Sonny Angara, ang pinakamahuhusay sa buong bansa at nag-excel sa kani-kanilang larangan at ngayo’y nag-aasam na makapag-uwi ng medalya, kabilang ang mailap ng ginto.

“Matindi ang naging training ng ating mga atleta sa Olympics. Mahabang oras ang ginugol at malaki ang naging sakripisyo ng bawat isa sa kanila upang makarating sa lebel nila ngayon,” sabi ni Angara, matagal nang sumusuporta sa development ng Philippine sports.

“Our Olympians are truly representative of Tatak Pinoy or Proudly Filipino. They have earned their place among the best in the world and have made their marks competing internationally. The entire nation is rooting for our Philippine Olympic Team,” dagdag pa nito.

Nangunguna dito si Rio Olympics silver medalist Hidilyn Diaz na muling tatangkaing masungkit ang ginto sa Summer Games kung saan makikipagtuos siya sa women’s 55 kg event sa weightlifting.

Ang kapwa weightlifter nitong si Elreen Ando ay makikipaglaban din sa 64-kg event matapos mag-qualify para sa Olympics sa unang pagkakataon.

Inaasahan ding makakapag-uwi ng Olympic medal para sa Pilipinas si gymnast Carlos ‘Caloy’ Yulo, na sa edad na 21, ay isang nang world champion.

Sa athletics, makikipaglaban din sa medalya si Ernest John ‘EJ’ Obiena sa pole vault event habang si sprinter Kristina Knott ay makikipag-karera sa 200-meter dash.

Apat ng Pinoy boxer ang nag-qualify para sa Olympics, sina Eumir Marcial at Carlo Paalam sa men’s side at Nesthy Petecio at Irish Magno para sa women event.

Tatlong golfer ang kakatawanin ng Pilipinas sa Tokyo, ang mga pro golfer na sina Juvic Pagunsan, Yuka Saso at Bianca Pagdanganan.

Para sa swimming event, makikipag-unahan din sina  Fil-Australian Luke Gebbie at Fil-American Remedy Rule.

Ang iba pang kasapi ng Philippine Olympic Team ay sina:  Margielyn Didal [Skateboarding], Cris Nievarez [Rowing], Kurt Barbosa (Taekwondo), Kiyomi Watanabe (Judo) at Jayson Valdez (Shooting).

The post The best! Angara binida 19 Pinoy Olympian first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/the-best-angara-binida-19-pinoy-olympian/)