Binuweltahan ni dating Senador Antonio Trillanes IV si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa mga bagong patama nito sa kanya.

Sa talumpati ng Pangulo, sinabi nito na ayaw niyang patakbuhin ang kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte sa pinakamataas na posisyon dahil sa bastos umanong bunganga ni Trillanes, pati na rin ang aniya’y ‘virulence’ ni Senadora Leila de Lima.

Tugon naman ni Trillanes, wala siyang matandaan na minura niya ang Pangulo, kahit pa mahigpit silang magkalaban sa politika.

“Grabe siya magbaliktad ng mundo. Sabi ko nga, nire-recall ko nga, meron ba akong mura na ginawa all this time? Pero ganun siya, that’s how he gaslights people,” banat ni Trillanes sa panayam ng TeleRadyo.

Bukod pa rito, napansin din ni Trillanes na tila ‘bangag’ umano si Duterte sa public address nitong Lunes.

“Isang observation lang, parang bangag e, parang ‘high’ kung magsalita. Parang wala sa hulog e. It’s unfortunate,” sambit ng dating mambabatas.

Sa pahayag din ni Duterte, sinabi nito na sana’y manalo sina De Lima at Trillanes para malaman nila kung gaano kahirap patakbuhin ang gobyerno.

“Baka magkatotoo yang panalangin niya. Hindi niya ikabubuti yan,” reaksyon ni Trillanes.

The post Trillanes tinira si Duterte: Parang bangag, ‘high’ kung magsalita first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/trillanes-tinira-si-duterte-parang-bangag-high-kung-magsalita/)