Hindi aprub kay Vice President Leni Robredo ang mungkahi na alisin na ang licensure examination sa ilang propesyon.

Ayon kay Robredo, kailangang baguhin ang buong education system ng bansa kung ipapatupad ang pagtanggal ng board exams.

“Ang exams naman, hindi naman ito yung walang purpose. Ang purpose nito, para i-test kung pumasa ka sa standards ng profession mo. Hindi siya pwedeng tatanggalin mo lang,” saad ng Bise Presidente.

“Halimbawa ayaw mo na magkaroon ng professional exams later on, kailangan i-overhaul mo ang buong education system na nagpo-produce noon,” aniya pa.

Matatandaan na minungkahi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na pag-aralan ng Professional Regulation Commission at Philippine Nurses Association (PNA) ang pag-alis sa board exams sa mga nurse at iba pang kurso.

Ngunit pinalagan ito ng PNA at sinabing mahalaga ang naturang eksaminasyon dahil buhay ng tao ang kanilang hawak.

Maging si Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo ay kontra rin sa mungkahi ni Bello.

The post VP Leni kontra sa lusaw board exams first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/vp-leni-kontra-sa-lusaw-board-exams/)