Mahigit 20,000 bagong COVID-19 cases ang maaaring maitala kapag lalo pang kumalat ang Delta variant sa bansa.

Ayon sa University of the Philippines COVID-19 response team, maaaring asahan ang COVID spike sa mga susunod na araw.

“Inaasahan natin na sa mga susunod na araw, posible pang tumaas, umabot ng more than 20,000,” ani Dr. Jomar Rabajante, tagapasalita ng repsonse team, sa isang panayam ngayong Linggo.

Dagdag pa rito, inalarma din ni Rebajante ang pamahalaan sa mataas na positivity rate ng bansa sa COVID.

Aniya, nasa 25% kasi ng mga COVID test results ay nagpopositibo.

“Posible pa itong tumagal sa mga susunod na buwan,” sambit niya.

Nito lamang Sabado nang umabot sa 123,935 ang aktibong kaso ng COVID sa bansa matapos maitala ang 16,694 bagong nasapol ng sakit.

Una na ring naitala noong Biyernes ang record high na 17,231 bilang ng tinamaan ng virus na siyang pinakamatas na COVID case na naitala sa bansa.

The post 20K COVID cases kada araw posible – eksperto first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/20k-covid-cases-kada-araw-posible-eksperto/)