Tinamaan ng COVID-19 ang apat na kawani ng Office of the Presidential Spokesperson sa Malacañang.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na karamihan sa mga tinamaang empleyado ay bakunado na, at isa sa mga ito ay seryoso ang kundisyon kaya kinakailangang dalhin sa hospital.

Ang tatlo aniya ay naka-isolate na sa lugar na mayroong sariling kuwarto at sariling toilet.

“Apat ngayon sa aking tanggapan ang mayroong COVID at iba-iba ang kanilang estado, mabuti na lang karamihan sa kanila ay bakunado. Yung mga bakunado ay nagka-quarantine na lang po doon sa lugar na mayroon silang sariling toilet at kuwarto. Mayroon lang po akong isa na naging seryoso na kailangang dalhin sa hospital,” ani Roque.

Dahil medyo napupuno na ang mga hospital, nanawagan si Roque sa publiko na huwag agad magtungo sa ospital, bagkus ay magtungo sa quarantine facilities para doon gamutin ang mga hindi seryosong sintomas.

“Magtulong-tulungan po tayo, kung mild o asymptomatic, nakakahinga po tayo eh sa quarantine facility na po tayo pupunta, meron din namang doktor doon. Pero yung mga nahihirapan huminga, iyon na talaga ang kinakailangang magpunta sa hospital,” dagdag ni Roque.

The post 4 na empleyado ni Roque sapol ng COVID first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/4-na-empleyado-ni-roque-sapol-ng-covid/)