Sa kabila ng paghingi ng paumanhin ni Enchong Dee sa pagbatikos sa magarbong kasal ni Drivers United for Mass Progress and Equal Rights party-list Rep. Claudine Bautista, hindi tumiklop sa isyu sina Agot Isidro at Pokwang.

Matatandaang nakiisa sina Agot, Enchong at Pokwang sa pagbatikos ng ilang netizen sa magarbong kasal ni Bautista sa negosyanteng si Jose French Lim sa Balesin Island Resort sa Polilio, Quezon nitong Agosto.

Agaw-atensyon ng mga netizen ang wedding gown ni Bautista na gawa ng sikat na fashion designer na si Michael Cinco, na ibinahagi ng huli sa kanyang Instagram.

Tinawag ng mga netizen na “insensitive” ang magarbong kasal ni Bautista sa gitna ng paghihirap ng mga driver, na kinakatawan niya, dahil sa COVID-19 pandemya.

Sinang-ayunan ito nina Agot, Enchong at Pokwang ngunit kumambiyo na ang aktor at binura na ang kanya umanong “reckless tweet” at nangakong sa susunod ay mas magiging maingat bago gumawa ng aksyon.

Sinabi ni Agot na presyo pa lamang ng gown ni Bautista ay kaya nang magpakain ng daan-daang pamilya ng mga tsuper.

Tahasan namang hinayag ni Enchong na napunta sa kasal ni Bautista ang pera para sa mga pasahero at tsuper habang si Pokwang ay pinuna rin ang bonggang gown ni Bautista.

The post Agot, Pokwang matigas sa banat vs tsuper rep first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/agot-pokwang-matigas-sa-banat-vs-tsuper-rep/)