Pinaalalahanan ni Senador Sonny Angara ang Department of Health (DOH) na bukod sa special risk allowance (SRA) sa mga health worker, entitled din sila sa hazard allowance bilang mga frontliner sa giyera laban sa Covid-19.

Sa Section 21 ng Republic Act 7305 o Magna Carta for Public Health Workers, sa panahon ng pandemya, ang mga government health frontliner ay entitled sa hazard allowance na katumbas ng 25% ng buwanang sweldo ng mga health worker na tumatanggap ng salary grade 19 pababa at 5% para sa mga health worker na may salary grade 20 pataas.

Ayon kay Angara, chairman ng Senate finance committee, ang mga health worker, kabilang ang mga nurse ay dapat bigyan ng hazard allowance, gamit ang Magna Carta of Public Health Workers, na isinabatas ng kanyang amang, si yumaong Senate President Edgardo Angara, bilang legal basis.

Nabanggit ni Angara ang isyu ng hazard allowance sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee sa paggamit ng pondo ng DOH matapos matalakay ang pagbibigay ng SRA sa mga health worker na nagtapos na nang napaso ang Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2 noong Hunyo 30.

Binigyang diin ni Angara na ang pagbibigay ng SRA sa mga private at public health worker ay dapat magpatuloy kahit napaso na Bayanihan 2 at hanggat nananatili pa ang national emergency na idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Sinasabi nila na ang SRA nag expire daw with Bayanihan 2, which we don’t agree with. May liberal approach tayo dito and we have spoken to some legal personalities and nakakalungkot na kung sino pa ang naatasan magbantay at magalaga dito sa ating health workers, siya pa ang hindi pabor doon sa pagbigay,” ani Angara.

The post Angara sa DOH: Allowance ng health workers ibigay agad first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/angara-sa-doh-allowance-ng-health-workers-ibigay-agad/)