Isang araw matapos na kastiguhin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Commission on Audit (COA), sinabi ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate na parang isa na lamang joke ang kampanya ng administrasyon laban sa korapsyon.

“Dati ang sabi nya maski ‘a whiff of corruption’ sibak pero bakit ngayon ang ahensya mismo ng pamahalaan na nagbabantay laban sa korupsyon pa ang pinatatahimik at pinoprotektahan naman ang mga may iregularidad sa paggamit sa pondo ng bayan?” tanong ni Zarate.

Dagdag pa ng solon, ang kampanya ba sa korupsyon ay katulad ng joke ni Duterte na siya ay sasakay ay jetski para ipaglaban ang teritoryo ng bansa laban sa China.

“Tulad din ba ito nung jetski joke nya laban sa China? As it is, mukhang joke lang din yata ang anti-corruption drive ng Duterte administration,” dagdag pa ng solon.

Gaya ng inaasahan, sinabi in Zarate na ginagawa ng COA ang kanilang mandato alinsunod sa Konstitusyon at dapat lamang na patuloy nitong bantayan kung papaano ginagastos ang pondo ng bayan.

“Dahil kapag tinigil nila yun (doing its mandate) ay magbubukas sa lansakang korupsyon sa gobyerno at malubhang pinsala sa interes ng mamamayan,” wika pa ni Zarate.

Sa halip na kastiguhin, sinabi ng solon na dapat ay pasalamatan pa ng Pangulo ang COA sa pagganap nito sa kanilang trabaho.

Kinastigo ni Duterte ang COA noong Lunes ng gabi matapos nitong sitahin ang mga kakulangan sa ginawang paggastos ng Department of Health (DOH) sa P67 bilyong COVID-19 response fund.

The post Anti-corruption campaign ng Duterte government parang joke nalang — Bayan Muna first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/anti-corruption-campaign-ng-duterte-government-parang-joke-nalang-bayan-muna/)