Sinagot ni Albay Rep. Edcel Lagman ang akusasyon ni Deputy Speaker Lito Atienza na minadali ng House Committee on Population and Family Relations ang pagpasa ng panukalang absolute divorce.

Ayon kay Lagman, dumalo si Atienza sa pagdinig ng komite noong Agosto 17 kung kailan inaprubahan ang panukala. Pero hindi umano nagpahayag ng pagtutol si Atienza at hindi rin bumoto laban sa panukala.

Sinabi ni Lagman na inihain niya ang House Bill 100 noong Hulyo 1, 2019, ang unang araw ng 18th Congress.

Ang panukala ni Lagman kasama ang dalawa pang kapareho nitong panukala ay ipinadala sa komite noong Hulyo 29, 2019.

Nagsagawa umano ng pagdinig ang komite noong Pebrero 5, 2020 kung saan pinagsalita ang mga pabor at tutol sa panukala.

Isang technical working group (TWG) ang binuo ng komite upang pag-isahin ang mga panukala at dalawang beses itong nagsagawa ng pagdinig kung saan muling pinakinggan ang mga pabor at tutol.

Bumuo ng bagong panukala ang TWG at ipinadala ito sa mother committee noong Marso 2020.

Noong Mayo 2021 ay nagpadala si Speaker Lord Allan Velasco ng kanyang mga amyenda sa panukala at isinama ito sa substitute bill.

Inimbitahan umano ang mga regular at ex-officio member ng komite para sa pagdinig noong Agosto 17 kung kailan inaprubahan ang panukala.

Ipinunto rin ni Lagman na may kaparehong panukala na inaprubahan ang Kamara noong 17th Congress kaya maaari itong idaan sa fast lane alinsunod sa Section 48 ng Rule X ng Rules of the House pero idinaan pa rin umano ito ng komite sa regular na proseso upang marinig ang panig ng iba’t ibang grupo.

The post Banat ni Atienza sa divorce bill sinagot ni Lagman first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/banat-ni-atienza-sa-divorce-bill-sinagot-ni-lagman/)