Walang balak na paatrasin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Ito ang inihayag ng Pangulo sa kanyang regular Talk to the People matapos mabanggit ang China sa isyu ng mga donasyong bakuna.

Sinabi ni Pangulong Duterte na walang hiningi ang China sa gobyerno kapalit ng milyon-milyong donasyong bakuna sa bansa.

At dahil mainit ang isyu ng presensiya ng Chinese ships sa mga pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea,sinabi ng Pangulo na maglalagay din siya ng mga barko sa lugar.

“No strings attached ang China. Until now walang hiningi yang China sa akin maski ballpen. Walang pinakusap, wala lahat. Except that their boats are there, at sabi ko naman, maglagay rin ako. Hindi ko na paaalisin yan, no way na magsabi akong “atras kayo”,” anang Pangulo.

Binigyang-diin ni Pangulong Duterte na wala siyang balak na makipag-giyera sa China subalit kapag nagkagipitan ay wala itong magagawa dahil hindi aatras ang mga barko sa West Philippine Sea.

“I do not want war with anybody, not with China, lalo na Amerika kasi nandito sila sa lupa natin. Kung magkaletsehan, wala tayo magawa, we have to fight because I am not ready to retreat,” dagdag ng Pangulo.

The post Barko ng ‘Pinas sa West Philippine Sea hindi paaalisin – Duterte first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/barko-ng-pinas-sa-west-philippine-sea-hindi-paaalisin-duterte/)