Naglaan ang gobyerno ng P45 billion sa 2022 proposed national budget para ipambili ng booster shots laban sa COVID-19.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque sa harap ng patuloy na pag-atake ng COVID-19 kahit sa mga bakunadong indibidwal.

Sinabi ni Roque na bibili ang gobyerno ng booster shots para masiguro ang kaligtasan ng sambayanan laban sa mapaminsalang virus.

“In the 2022 budget we have budget entry for booster shots for all Filipinos. Ang halaga po ng booster shots is 45 billion pesos. This is for procurement of COVID-19 vaccine booster shots, kasama po yan sa proposed 2022 budget,” ani Roque.

Tiniyak ng kalihim na lahat ay mabibigyan ng booster shot para mapangalagaan ang kalusugan ng mga Pilipino.

“Wala pong isyu na sa 2022 lahat tayo mabibigyan ng booster shot kasi nandiyan na nga po yan sa budget. So wala pong issue yan, ‘di na natin pag-uusapan,” dagdag ni Roque.

Maaaring bilhin aniya ang booster shots sa unang buwan pa lamang ng 2022 subalit pwede ring bilhin nang mas maaga kung talagang kailangang kailangan ang booster shot para sa mga Pinoy.

“Pwede na nating bilhin yan earlier if we need to.Bagamat nasa national budget po yan,that’s funded for the multilateral lending agencies so titingnan natin kung meron talagang science that will require it, gagawan po ng paraan,” wika ni Roque.

Hindi na aniya debate sa bansa ang booster shots dahil isinama na ito sa budget para sa susunod na taon.

The post Booster shots popondohan sa 2022 national budget first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/booster-shots-popondohan-sa-2022-national-budget/)