Kinastigo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Commission on Audit (COA) kaugnay sa inilabas na P67.3 billion deficiencies audit report sa Department of Health.

Sa kanyang regular Talk to the People, binatikos  ng Pangulo ang auditors ng COA dahil sa paglalabas ng report na tila lumilitaw na ninakaw ng isang ahensiya ang pera at nag-iiwan ng  impresyon sa  publiko na mayroong bahid ng korapsiyon ang audit reports.

“Pag mag-ano ang COA,magsabi lang na deficiency ng mga ganon, hindi kan sabihin na defiency na ninakaw mo yung pera. Imposible magnakaw ka ng 67.3. But to the issue of whether the money has been stolen, that is pure bullshit,” anang Pangulo.

Pinagsabihan ng Presidente ang COA na tigilan ang pag-flag ng audit sa mga ahensiya at hayaan munang matapos ang projects ng mga ito bago gawin ang taunang auditing process.

“Stop that flagging. You make a report do not flag. Do not publish because it would condemn the agency or person that you are flagging,” dagdag ng Pangulo.

Unfair aniya sa mga taga-gobyerno na maglabas ng audit report sa mga hindi pa natatapos na proyekto dahil kapag inilabas sa media ay ito na ang nagiging gospel truth at inakalang ibinulsa o ninakaw ng ahensiya o opisyal ang pondo ng gobyerno.

“Do not conduct audit on our work na ongoing pa kasi dino-document pa yan. Ngayon kung birahin mo ako ng exit conference tapos deficiency, nai-publish mo, that statemwnt of yours jn that paper becomes the gospel truth. And it is not fair to the people,” wika ng Pangulo.

Inireport naman ni DOH Usec Leopoldo Vega sa Presidente na ang COA findings ay documentary issues at kinukumpleto na lamang nila ito.

Binilinan naman ni Pangulong Duterte ang kanyang mga gabinete na huwag pansinin ang COA audit reports.

“Don’t follow COA nothing happens anyway. That’s what I don’t like, that flagging,” wika pa ng Pangulo.

The post COA kinastigo, nakatikim kay Pangulong Duterte first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/coa-kinastigo-nakatikim-kay-pangulong-duterte/)