Kinilala kamakailan ng RP-Mission Development Foundation Inc. ang kasipagan at dedikasyon sa serbisyo ni Caloocan City Rep. Dale “Along” Malapitan.

Ang RP-Mission Development Foundation Inc. (RPMDI) ay isang pribadong non-profit organization na 11 taon ng nagsasagawa ng iba’t ibang klase ng surveys sa Pilipinas.

Sa public post na inilabas ng RPMDI sa kanilang social media account na Facebook noong Biyernes, Agosto 13, kabilang si Malapitan sa mga nangungunang district representatives sa National Capital Region (NCR) sa survey na ginawa ng grupo ayon sa Job Performance Rating ng mga mambabatas sa Kamara. Nasa ika anim (6) na hanay si Malapitan na mayroong 65% approval rating sa ginawang Public Satisfaction Survey.

Kabilang sa mga programang isinusulong ni Malapitan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ay ang panukalang savings and financial literacy, karagdagang 14 na sangay ng Regional Trial Court sa Caloocan, 20% diskwento sa mga binabayarang certificates at clearance para sa mga first-time job applicants na nasa kategorya ng 4Ps, pagtatalaga ng Polytechnic University of the Philippines-Caloocan campus, digitalization ng lungsod ng Caloocan partikular sa distribusyon ng cash-aids, at ang kamakailan lamang ay inaprubahan ng Pangulong Rodrigo Duterte na Republic Act 11545 ( na humahati sa pinakamalaking populasyon ng Caloocan, ang Distrito 1) na nagtatakda na maging tatlong legislative district na ang Caloocan City.

Naging kapwa may akda din ang batang kongresista ng mahigit sa 60 panukalang batas, habang kasalukyang pinamumunuan nito bilang vice chairperson angCommittee on Disaster Resilience, at miyembro rin ang batang mambabatas ng House Committee on Appropriations, Games and Amusements, Legislative Franchises, Local Government, Metro Manila Development, at Youth and Sports Development.

Para sa mga batang estudyante ng lungsod pinangunahan ni Rep. Malapitan ang pagpapatupad ng libreng kolehiyo sa mga karapat-dapat na mag-aaral ng Unibersidad ng Lungsod Caloocan, pagtatalaga ng College of Law at Juris Doctor sa nasabing unibersidad, libreng Master’s Degree sa mga kuwalipikadong kawani ng Pamahalaang Lokal ng Caloocan, pagbibigay ng ayudang pinansyal sa mga mag-aaral ng Caloocan City National Science and Technology High School at Caloocan Science High School, ay ilan lamang sa mga nagawa ng mambabatas.

Nagpasalamat naman si Rep. Malapitan sa inilabas na public satisfaction survey.

“Ito po ay welcome development sa atin. Pinatutunayan lamang ng survey na ito na basta tao ang una, hindi tayo magkakamali. Kaya para sa ating mga kababayan sa loob at labas ng Caloocan, kayo ang inspirasyon natin upang lalo ko pang pagbutihin ang paglilingkod sa ating lungsod mayroon man pandemya o wala,” pahayag ni Malapitan.

The post Cong. Along, kasama sa Top 10 performers sa Kamara first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/cong-along-kasama-sa-top-10-performers-sa-kamara/)