Naniniwala si Senate Minority Leader Franklin Drilon na may pagtatangka na pagtakpan ang anomalya sa paglipat ng Department of Health (DOH) ng P42 bilyon sa Department of Budget and Management-Procurement Service (DBM-PS).

Sa panayam sa radyo noong Lunes, kinuwestiyon ni Drilon ang hakbang ni Health Secretary Francisco Duque na i-authorize ang paglipat ng pondo sa DBM-PS para sa pagbili ng medical supplies.

“Sinabi niya (Duque) na dahilan sa hindi kaya ng bureaucracy sa DOH. Sa akin po, yun ay pagtatakip po ng anomalya ‘yan,” sab ni Drilon.

“Marami pong bids and awards committee na nakakalat sa buong DOH at iyan po ay pinamumunuan ng mga undersecretaries at assistant secretaries at ‘yan po ang may expertise dito sa face masks, shields, dun po sa mga test kits dahil ‘yan ay mga trabaho po ng mga tauhan ng DOH,” dagdag nito.

Dahil medical supply naman ang face mask shield at test kits, sinabi ni Drilon na hindi na dadaan pa sa DBM-PS ang pagbili nito.

“These are medical equipment and medical supplies, hindi po ballpen ito ay kaya po nagulat kami kung bakit pa inilipat ang P42 billion ni Sec. Duque,” ayon kay Drilon.

Nauna nang sinabi ni Duque na sinubukan nilang bumili subalit walang available bidder noong panahon na iyon dahil sa limitadong suplay.

Subalit naniniwala si Drilon nagsimula ang anomalya sa pagbili ng “overpriced” na medical supply sa paglipat ng DOH ng pondo sa DBM-PS.

“Diyan po nagumpisa ang anomalya sa aking tingin. Yung paglipat ng P42 billion at ginawang pambili ng mga equipment na ang sinabi rin ng PS-DBM na ito po’y common-used supplies,” sabi ni Drilon.

“Di tayo doktor pero siguro magkaiba naman yung ballpen at saka face masks saka face shields saka yung test kits. Talaga pong may pinagtatakpan at sabi ko nga eh this is a planned plunder, premeditated plunder,” dagdag pa ng minority leader.

The post Cover up sa anomalya sa DOH at PS-DBM tinangka – Drilon first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/cover-up-sa-anomalya-sa-doh-at-ps-dbm-tinangka-drilon/)