Muling lumutang ang pangalan ni Lloyd Cristopher Lao, ang nagbitiw na dating pinuno ng Department of Budget and Management-Procurement Service (DBM-PS) sa pagdinig ng Senado matapos kuwestiyonin ng mga senador ang ‘overpriced’ na mga face mask at face shield na binili ng Department of Health.

Sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee , ginisa ng mga senador ang ilang opisyal ng gobyerno hinggil sa pagbili ng face mask at face shield sa kaduda-dudang presyo nito.

Sabi ni Senadora Imee Marcos, bumili ang DOH sa pamamagitan ng DBM-PS sa halagang P27.72 kada pirado ng face mask at P120 naman sa face shield noong kaagahan ng 2020.

“Sabihin na natin na very tight ang supply at that point pero saksakan naman ata ng overpriced,” sabi ni Marcos.

Paliwanag naman ni Director Paul Guimbarda ng DOH Procurement Service, wala pa umanong suggested retail price (SRP) noong panahon na binili ang nasabing mga item.

Subalit giit ni Senador Franklin Drilon, kahit na limitado ang suplay noong panahon na iyon, masyado pa rin aniya iyong mahal.

Binanggit pa nito ang memorandum na inilabas ng DOH noong Setyembre 30, 2020 na nagsasabing ang SRP ay P2 hanggang P5 sa face mask at P26 hanggang P50 naman sa face shield.

“Ang laki ng overpricing,” ani Drilon, sabay tanong kung sino ang pinuno ng DBM-PS noong nabili ang nasabing mga item.

Nang pigain pa ni Drilon tungkol kay Lao, sinabi ni DBM officer-in-charge Tina Rose Marie Canda na dating sinagot ni Lao ang nasabing isyu sa mga nagdaang pagdinig sa Senado.

“That was the question na ‘yan po ‘yung tinanong namin noon kay Usec. Lao. And he said, at that point, na because there were limited items in the local market, the amounts he presented were defensible. So I left it at that, I did not ask more questions,” ayon kay Canda.

The post Dating DBM official kinabit sa overpriced face mask, face shield first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/dating-dbm-official-kinabit-sa-overpriced-face-mask-face-shield/)