Binatikos ni Senadora Leila de Lima si Pangulong Rodrigo Duterte sa ginawang pagbanat sa Commission on Audit (COA) dahil sa paglalabas ng audit report tungkol sa paggamit ng COVID-19 response fund ng Department of Health.

“Duterte’s attacks on the Commission on Audit (COA) show that his bravado statements against corruption are nothing but a hypocritical attempt at pandering,” sabi ni De Lima sa isang statement.

Partikular na ipinagtanggol ng Pangulo ang DOH, na pinuna ng COA dahil sa “deficiency” sa paggasta sa mahigt P60 bilyong pondo sa pandemya.

Sabi ni De Lima, lagi umanong ibinibida ni Duterte na galit siya sa korapsyon subalit hindi naman kaya ng Pangulo na suportahan ang findings ng COA.

“Sabi siya nang sabi na galit siya sa korapsyon pero hindi naman niya sinusuportahan ang COA na siyang pangunahing ahensya na nagsusuri sa tama o maling paggastos ng gobyerno sa pera ng taumbayan,” ayon sa senadora.

Binigyang-diin ni De Lima na ang paggastos sa pera ng taumbayan ay dapat alinsunod sa batas.

“If they cannot comply with the law, then they have no business spending our money,” anang senadora.

“Kung hindi susundin ang tuntunin sa tamang paggastos ng pera ng taumbayan, hindi malalaman ng tao kung ginagamit ba ng tama ang mga buwis na pinaghirapan nilang bayaran o kung ninanakaw lamang ng mga kurakot na opisyales ng gobyerno,” wika pa nito.

The post De Lima: Duterte galit sa korapsyon pero hindi suportado COA first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/de-lima-duterte-galit-sa-korapsyon-pero-hindi-suportado-coa/)