Walang dapat na ikabahala ang publiko sa oxygen supply ng mga government hospital sa harap ng patuloy na banta ng Delta COVID variant sa bansa.

Ito ang tiniyak sa Laging Handa press briefing ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire kaugnay sa patuloy na pagtaas ng COVID case sa Metro Manila at ibang lugar sa bansa.

Nakausap na aniya nila ang suppliers ng oxygen sa bansa at tiniyak na hindi kakapusin ang mga pagamutan.

Sinabi ni Vergeire na ang problema lamang sa ngayon ay ang pag-iimbak ng mga tao ng supply kahit hindi naman nila ito kailangan sa ngayon.

“Kausap ho namin ang suppliers and marami pa, may adequate stocks tayo ng oxygen supply. Ang problema po natin ngayon would be yung hoarding na ginagawa ng mga tao, bumibili sila kahit hindi pa nila kailangan ang medical grid oxygen,” ani Vergeire.

Kumikilos na aniya ang DOH para ma-regulate ang hoarding ng mga tao.

Nangangamba ang publiko na matulad ang bansa sa India kung saan marami ang nasawi sa COVID-19 dahil kapos noon ang India sa supply ng oxygen.

Tiniyak naman ni Vergeire na bukod sa sapat na supply ng oxygen at mayroong sapat na stocks ng gamot ang mga ospital ng gobyerno sakaling lumala ang sitwasyon, ay tuloy-tuloy aniya ang pagtanggap ng bagong healthcare workers para pangrelyebo sa mga ospital.

“We have stockpiling on medicines for all of our hospitals, we have downloaded funds already para makapag-procure ng mga kailangan ng hospital. As to healthcare workers, continuous ang emergency hiring natin so we can augment our health care workers sa mga hospital,” dagdag ni Vergeire.

The post DOH: Oxygen supply sapat, problema hoarding ng mga tao first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/doh-oxygen-supply-sapat-problema-hoarding-ng-mga-tao/)