Tila nalito na si Health Secretary Francisco Duque at hindi na nasundan ang diskusyon sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee tungkol sa pondo para sa benepisyo ng mga health worker.

“Nagulo na ‘yung utak ko, hindi ko na alam kung…” sabi ni Duque sa kanyang mga staff, matapos nitong makalimutang i-off ang mikropono sa kanyang harapan.

Dumalo si Duque at iba pang ahensiya ng gobyerno sa pagdinig ng Senado sa kuwestiyonableng paggamit ng pondo sa 2020 budget ng DOH para sa pandemic response.

Nang marinig si Duque, sinabihan ni Senador Richard Gordon, ang chairman ng Senate blue ribbon committee, ang kalihim na magpakonsulta muna sa psychiatrist dahil sa stress na nakuha nito sa pagtatrabaho sa gobyerno.

“Marami kayong psychiatrist sa DOH. Pagamot ka muna sa psychiatrist n’yo sa DOH. I know it’s very stressful to work in the government so please make sure that you get it done,” ani Gordon.

“I consider you as a friend but my loyalty is to the country first before my loyalty to the government,” dagdag nito.

Piniga ng senador si Duque hinggil sa P1.8 bilyong meal, accommodation and transportation (MAT) allowance para sa health workers.

Hindi masyadong naipaliwanag ng kalihim ang detalye sa P1.8 bilyon MAT allowances subalit tiniyak nito sa mga mambabatas na kanila itong patitingnan sa lalong madaling panahon.

The post Duque: Nagulo na utak ko first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duque-nagulo-na-utak-ko/)