Binakbakan na naman ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Commission o Audit (COA) kaugnay sa P67 bilyong COVID fund na nakitaan ng discrepancy sa Department of Health (DOH).

Sa kanyang Talk to the People, pinagsabihan ng Pangulo ang COA na huwag agad gumawa ng konklusyon hangga’t hindi nakukuha ang panig ng mga inimbestigahang ahensiya ng gobyerno.

Hindi aniya humahawak ng pera si Health Secretary Francisco Duque III mula sa pondo ng kanyang ahensiya dahil ang pera ay hawak ng Department of Budget and Management (DBM).

“Alam mo ang totoo niyan, ang DOH walang pera. Ang pera, DBM. Kung may programa, sila ang magbayad. Hindi humahawak si Secretary Duque ni piso. Pero the perception of the public is that when you are flagged, ‘yan ang mahirap diyan. Alam ng COA ‘yan. Huwag kayong mag-draw ng conclusion without the side of…give him a chance also to answer, sufficient time,” anang Pangulo.

Binigyang-diin ni Pangulong Duterte sa COA na nagpapatuloy ang paglaban ng gobyerno sa COVID-19 at karamihan sa mga opisina ng gobyerno ay nasa skeletal force kaya hindi ganoon kadaling magsumite ng mga dokumento kung kulang ng mga taong gagawa nito.

“We are fighting a pandemic, may enemy na hindi nakikita. Give them an enough elbow room to move. At saka yung sinasabi ninyo documentation, alam ninyo pandemic skeletal force lahat. Ang COA alam ninyo ‘yan, hindi lahat ng empleyado ninyo nagre-report,” dagdag ng Pangulo.

Iminungkahi ng Presidente sa COA na gawin ang pag-audit sa mga ahensiya ng gobyerno bago magtapos ang taon sa halip na gawin ito sa kalagitnaan habang nasa kasagsagan ng paglaban sa pandemya.

Gawin aniya ito sa tamang timing para hindi lumitaw na kinurakot o ibinulsa ng mga opisyal ng ahensiya ang pondong hindi pa nagamit o kaya ay hindi agad na-account.

“Ang documentation, hindi kaagad-agad kasi i-validate mo pa pagbili nito. Tapos papasok ka in the middle of the battle, patapusin mo muna at least at the end of the year bago kayo pumasok. Suggestion ko lang ‘yan. Huwag kang basta bigla ka na lang pumasok, mag-conduct ka ng ano, i-timing ninyo at you have to make a make over yung sa report ninyo na ganon,” wika ng Pangulo.

Inilabas naman ni Pangulong Duterte ang kanyang saloobin sa naging karanasan sa COA kung saan tatlong beses aniya siyang nademanda at umabot hanggang Supreme Court subalit naipanalo niya ang kaso.

“Ang experience ko sa inyo is tatlong beses, tatlong beses ko kayo na-rebuke. Tapos magkanong gastos ko, and the humiliation. You go there appear the court and you are read the information. Tapos you guilty or not, bayaran mo abogado mo,” wika pa ng Pangulo.

The post Duterte bumanat uli sa COA: Duque hindi humahawak kahit piso first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duterte-bumanat-uli-sa-coa-duque-hindi-humahawak-kahit-piso/)