Ipinagtanggol muli ni Pangulong Rodrigo Duterte si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III kaugnay sa kontrobersiyang kinakaharap ng kanyang ahensiya sa isyu ng 67.3 billion deficiencies mula report na inilabas ng Commission on Audit (COA).

Sa kanyang Talk to the People, sinabi ng Pangulo kay Duque na huwag masyadong pagtuunan ng pansin ang COA report dahil tatlong beses na rin aniyang nangyari sa kanya ang ganitong sitwasyon na nag-iiwan ng negatibong impresyon sa publiko.

Umabot aniya hanggang sa Korte Suprema ang isyu niya sa COA at naipanalo niya ang demandang isinampa laban sa kanya.

“Do not put so much importance yung ano, yan bang matter of course yung kanila. Ako mismo, tatlong beses na ako naano. Hindi sila makahintay, you onow, papers, bureaucracy takes very long and sometimes the documents are deficient,” anang Pangulo kay Duque.

Batid ng Pangulo na gusto ng magresign ni Duque subalit tatanggihan aniya nito ang kanyang pagbibitiw.

Dalawang beses na aniyang nagtangkang magbitiw sa puwesto si Duque dahil paborito itong panggigilan ng mga kritiko at mga mambabatas pero hindi niya ito tinanggap.

“Alam ko gusto mo nang mag-resign, pero alam mo rin na tatanggihan kita ngayon. Noon you have attempted to resign twice. I expect you to say something to me after this , magresign ka. Sabihin ko sa yo hindi, wala ka namang ginawang masama,” dagdag ng Pangulo.

Naniniwala ang Presidente na walang ginagawang milagro si Duque sa kanyang tanggapan at kung mayroon mang makitang nawaldas o nawalang pera ng gobyerno ay pinayuhan ang COA na dalhin ang isyu sa Korte Suprema.

“Bakit ka mag-resign? If you find that there is – mga nawala diyan, eh di magdemanda kayo, punta ng Supreme Court. The Supreme Court will be a fair arbiter of things,” wika ng Pangulo.

The post Duterte muling ipinagtanggol si Duque, hindi tatanggapin pag nag-resign first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duterte-muling-ipinagtanggol-si-duque-hindi-tatanggapin-pag-nag-resign/)