Binigyan ng permiso ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of Health (DOH) na gamitin ang kanyang contingency fund para mabayaran ang lahat ng hindi pa natatanggap na benepisyo ng mga health worker.

Sa kanyang Talk to the People, inatasan ng Pangulo si DOH Undersecretary Leopoldo Vega na kunin ang kailangang pondo sa kanyang contingency fund kung hindi sapat ang pondong nasa ahensiya.

“Yung utos ko na bayaran lahat sa mga allowances and whatever. You can source it from everywhere you want but you can get it from my contingency fund,” anang Pangulo.

Naunang inihayag ni Department of Budget and Management OIC Undersecretary Tina Rose Marie Canda sa Pangulo na may nakita silang P1.6 billion na hindi pa nagagamit sa 2020 budget ng DOH at maaari itong gamitin para sa hinihintay na benepisyo ng health workers.

Para naman aniya sa mga vaccinator, maaaring kunin ang pambayad sa mga ito sa contingency fund ng Presidente.

Sinang-ayunan naman agad ito ng Pangulo para mawala aniya ang suspetsa ng mga kritiko na nagdududa sa mga pondo sa gobyerno.

“It’s good that you mentioned about the sourcing of the funds. The contingent find has always been looked in suspicion not only in Congress but with everybody kasi contingent is parang malawak. These are the things that the public never really knew or know na ito is to meet itong crisis na mga ganito,” dagdag ng Pangulo .

Sinabi ni Canda na ipinadala na nila sa Office of the President ang request para sa pag-apruba ni Pangulong Duterte at inaasahang sa loob ng sampung araw ay matatanggap na ng mga health worker ang hinihintay na benepisyo.

Kabilang sa mga benepisyo ng health workers sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act ay ang Actual Active Hazard Duty pay, COVID-19 Special Risk Allowance, accommodation, transportation meal allowance, life insurance at COVID-19 sickness and death compensation.

The post Duterte pinagagamit contingency fund para mabayaran mga health worker first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duterte-pinagagamit-contingency-fund-para-mabayaran-mga-health-worker/)