Inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte na siya ang nag-utos kay Department of Health Secretary Francisco Duque III na bumili kaagad ng supply ng face mask nang pumutok ang COVID pandemic noong nakalipas na taon.

Sa kanyang Talk to the People, sinabi ng Pangulo na inatasan niya ang kalihim sa harap ng mga miyembro ng gabinete na bumili agad ng face mask at iba pang kagamitan at huwag nang dumaan sa bidding dahil emergency ang sitwasyon.

“I remember distinctly sinabi ko kay Secretary Duque ‘bumili ka ng kailangang face mask or whatever is needed, equipment. Sabi ko huwag ka nang mag-bidding, matagal ‘yan. Sabihin mo take it of record na utos ko,” anang Pangulo.

Pero sa kabila aniya ng kanyang utos ay dumaan pa rin sa bidding si Duque at naging maingat sa kanyang naging aksiyon.

“But despite of the order ko na huwag ka nang mag-bidding, its pandemic, it’s an emergency, nevertheless, dumaan pa rin sa bidding si Secretary Duque. So he was just being careful,” dagdag ng Pangulo.

Kaya aniya sinabi niya ito ngayon sa publiko para maalis ang mga pagdududa sa korapsiyon dahil hindi uubra ito sa kanyang termino.

“So I want to make it of record to the public and everyone that I and the Cabinet knew about it, sabi ko ‘go ahead and buy the things that you need to fight the pandemic. Emergency nga eh, hanggang ngayon.
So just to disabuse the minds of some people about corruption. It ain’t here at this time, and I suppose that you are barking at the wrong person,” wika ng Pangulo.

Sa inilabas na report ng Commission on Audit, overpriced umano ang mga biniling face mask at face shield ng DOH sa pamamagitan ng Procurement Service ng Department of Budget and Management na itinanggi naman ng dating opisyal na nangasiwa nito.

Binigyang-diin naman ni Pangulong Duterte na noong bago pa lang pumutok ang pandemic ay mataas ang presyo ng face mask dahil mataas ang demand para rito.

“Sa totoo lang, at that time, it’s always the law of supply and demand. Kung maraming supply, mura. Kung walang supply, less demand,” wika pa ng Pangulo.

The post Duterte umamin, inutusan si Duque na huwag na mag-bidding sa face mask first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duterte-umamin-inutusan-si-duque-na-huwag-na-mag-bidding-sa-face-mask/)