Nabalewala umano ang layunin ng pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa hindi maagang pamimigay ng ayuda sa mga apektadong pamilya.

Ayon kay dating Speaker Alan Peter Cayetano, noong Agosto 6 sinimulang ipatupad ang ECQ sa National Capital Region (NCR) noong Agosto 6 pero nagsimula ang pamimigay ng cash assistance noong Agosto 11 lamang.

“So ang mangyayari, imbes na two weeks na may circuit breaker, na hindi tayo umiikot, lumalabas ng bahay, itong mga susunod na araw lalabas ng bahay, pupunta sa mga covered court at sa mga areas ang mga kababayan natin,” sabi ni Cayetano.

Itinutulak ni Cayetano at kanyang mga kaalyado ang pamimigay ng P10,000 cash assistance sa bawat pamilya.

Batay umano sa pagtataya ng National Economic Development Authority (NEDA) aabot sa P150 bilyon ang nawawala sa ekonomiya sa bawat linggo ng lockdown, kasing laki ng gagastusin ng gobyerno sa pamimigay ng tig-P10,000 sa bawat pamilya.

Umaasa si Cayetano na ito na ang huling lockdown na ipatutupad ng gobyerno pero dapat umanong paghandaan palagi kung ano man ang maaaring mangyari.

Hinimok din ni Cayetano ang publiko na huwag isipin na pagsasayang lang ng pondo ang pamimigay ng P10,000 dahil mayroong mga indibidwal na gagamitin ito sa ibang bagay.

Naniniwala si Cayetano na mas maraming Pilipino pa rin ang maganda ang hangarin at kailangan lamang ng tulong upang muling makabangon.

The post ECQ nabalewala sa ‘di maagang pamimigay ng ayuda – Cayetano first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/ecq-nabalewala-sa-di-maagang-pamimigay-ng-ayuda-cayetano/)