Todo sa pag-eensayo sa kasalukuyan si Ernie Gawilan para sa 16th Paralympic Summer Games 2020+1 sa Tokyo, Japan sa parating na Agosto 24-Setyembre 5.

Nagpapraktis ang 30-year-old para swimmer sa Philippine Science High School sa Quezon City sa puntiryang makamedalya sa pangalawang sunod na quadrennial sports festival stint makaraan ang 2016 sa Rio de Janeiro.

Ibinahagi ng national para athlete sa Abante/TONITE Sports Miyerkoles, na kahit malalalakas ang kanyang makakaharap sa kompetisyon, ibubuhos niya ang lahat ng makakaya para mabigyang karangalan ang ‘Pinas.

“Malalakas talaga ang mga kalaban, pero gagawin ko po ang makakaya ko at ng mga kasamahan ko,” sey niya via Facebook message.

Sa August 22 ang lipad pa-Land of the Rising ni Gawilan, na kakasa sa 400m freestyle, 200m individual medley at 100m backstroke. Siya rin ang flag bearer ng bansa sa closing ceremony ng Paralympics.

Ang iba pang kasama niya sa Team Pilipinas ay sina sina Jerrold Mangliwan, Allain Ganapin at Jeanette Aceveda (para athletics), Gary Bejino (para swimming), at Achelle Guion (para powerlifter).

The post Gawilan papasiklab sa Paralympics first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/gawilan-papasiklab-sa-paralympics/)