Inaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang mandatory earthquake drill sa lahat ng pribado at pampublikong establisyemento.

Walang tumutol sa panukala na nakatanggap ng 217 boto sa sesyon noong Martes.

Sa ilalim ng panukala, lahat ng establisyemento, pribado man o pampubliko ay kailangang bumuo ng kanilang emergency preparedness protocols at sumali sa quarterly earthquake and emergency drill sa tulong ng Office of the Civil Defense, Department of the Interior and Local Government at mga lokal na pamahalaan.

Dapat umano ay mabigyan ng kaalaman ang publiko kung ano ang dapat na gawin sakaling lumindol o iba pang emergency situation.

Ang may-ari, operator, administrator at iba pang opisyal ng establisyemento na hindi lalahok ay parurusahan.

Bibigyan ito ng babala sa unang paglabag. Sa ikalawang paglabag ay multang P500. Sa ikatlong paglabag ay P10,000 at hindi bababa sa isang buwang pagkakakulong.

Kung muling uulit ay P30,000 multa, hindi bababa sa isang buwang pagkakakulong at kanselasyon ng business permit.

Ang makokolektang multa ay isasama sa pondo ng disaster risk reduction and management ng lokal na pamahalaan na nakakasakop sa establisyemento na lumabag.

The post Hindi sasali sa mandatory earthquake drill may parusa first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/hindi-sasali-sa-mandatory-earthquake-drill-may-parusa/)