Ang mga talakayan tungkol sa mga natuklasan ng Commission on Audit (COA) sa Department of Health (DOH) ay hindi pa natatapos dahil ang mga kakulangan na nakita ay maaaring makatulong sa mga local government unit (LGU), ayon sa isang mambabatas.

Binanatan ni Senadora Risa Hontiveros ang DOH tungkol sa isa sa mga natuklasan nito kung saan bumili ang kagawaran ng P95.15 milyong halaga ng gamot at medical supplies na hindi nagamit dahil ang mga ito kundi man nag-expire, malapit nang mag-expire o pa-expire na, o nakaimbak lang sa mga bodega.

“Mapapa-wow na lang lalo na ang ating mga LGUs na kulang na kulang ang stock ng gamot sa kanilang mga barangay health stations at rural health units,” wika ni Hontiveros sa isang interview “Balitaan at Kumustahan” ng Abante noong Biyernes.

Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng kagawaran ng kalusugan lalo na ngayon sa gitna ng COVID-19 pandemic kaya’t agad na nagkasa ng pagdinig ang Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa COA report.

“Motu proprio po niya itinawag ito dahil nga sa gitna ng pandemya na di hamak ang pinakaimportanteng departamento ay ang Department of Health ay lumabas nga po yung sobrang kapansin-pansin na COA report,” sambit ni Hontiveros.

Kinuwestiyon niya kung bakit higit sa P10 bilyon ang hindi nagastos sa mga healthcare worker ng bansa, at “tens of billions of pesos” ang inilipat sa ibang mga ahensya nang walang wastong dokumentasyon.

Sinabi ni Hontiveros na ang isyu sa COA report sa DOH ay isang napakainit na paksa.

The post Hontiveros muling binanatan ang DOH sa mga expired na gamot first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/hontiveros-muling-binanatan-ang-doh-sa-mga-expired-na-gamot/)