Nanawagan si dating Speaker Alan Peter Cayetano sa gobyerno na magbukas ng ‘hunger hotline’ na matatawagan ng mga mahihirap na walang makain.

Sa pakikipag-usap ni Cayetano sa ilang benepisyaryo ng Sampung Libong Pag-asa program nalaman nito na maraming pamilya ang hindi nakakakain ng tatlong beses sa isang araw dahil wala ng dumarating na tulong ng gobyerno.

“Finite number naman ‘tong nangangailangan ng gamot at pagkain. Hindi ba dapat may hotline?” sabi ni Cayetano. “Kasi sa ngayon, hindi pa rin talaga malaman ng tao kung saan pupunta.”

Naiintindihan umano ni Cayetano kung agad na tutulan ng mga opisyal ng gobyerno ang kanyang panukala dahil madali itong mabiktima ng scammer pero panahon na umano upang pagkatiwalaan ng gobyerno ang mga tao.

Maaari umanong maglabas ng verification system para matiyak ang benepisyaryo gamit ang mga cellphone at iba pang electronic gadgets gaya ng ginagamit ng mga bangko at iba pang financial institution.

“I think that kind of malasakit (concern), we owe our people,” wika pa ng solon. “Ganun na ba ka-harsh ang ating gobyerno na kailangan hanapin mo y’ung kapitan, konsehal, congressman, mayor, at ‘pag sagad na ang tulong sa’yo ng mga y’un, gutom ka na lang?”

Nag-iikot si Cayetano at iba pang miyembro ng BTS sa Kongreso (Balik sa Tamang Serbisyo) sa iba’t ibang lugar ng bansa upang magbigay ng P10,000 tulong sa mga piling mahihirap na pamilya.

Isinusulong ng BTS ang pagpasa ng panukala na magbibigay ng P10,000 sa lahat ng pamilya sa bansa. Ilang ulit ng sinabi ni Cayetano na may kakayanan ang gobyerno para ibigay ito.

The post Hunger hotline hirit ni Cayetano first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/hunger-hotline-hirit-ni-cayetano/)