Hustisya ang sigaw ng pamilya ng magtotroso na pinatay umano ng pulis noong nakaraang buwan sa Marinduque.

Ayon sa kaanak ng pinaslang na biktima na si Alberto delos Reyes, mabagal ang usad ng imbestigasyon sa krimen.

Si delos Reyes ay sinasabing pinatay ni Police Corporal Jay Anthony Custodio sa gitna ng operasyon laban sa illegal  logging noong Hulyo 30.

Pahayag ni Custodio, nanlaban si delos Reyes gamit ang bolo, bagay na kinontra ng kapatid ng biktima na si Mabel delos Reyes.

“Yon nga pong sinasabi ng pulis nanlaban daw po si kuya, inaano-ano raw po siya ng bolo. Pero wala po base po sa testigo,” pahayag ni Mabel sa isang TV report nitong Linggo.

“Yung kuya ko po kasi kinuha yung power saw at ilalagay niya po sa likod ng kubo po tapos nung nilalagay na po at saka po siya sinundan ng pulis sinabi, ‘sige takbo’ at saka nagpasunod-sunod ng putok,” dagdag pa nito.

Ayon naman sa hepe ng Mariduque Police, umaandar ang imbestigasyon at nasa kustodiya nila ang nasasakdal na si Custodio.

Maging si PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar ay nag-utos na ng agarang imbestigasyon sa pangyayari.

Ipinag-utos din ni Eleazar na bantayan ang 10-taong gulang na anak ni Alberto, na sinasabing nakasaksi sa pangyayari.

The post Hustisya hanap ng kaanak ng pinaslang na magtotroso first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/hustisya-hanap-ng-kaanak-ng-pinaslang-na-magtotroso/)